Trending at sinubaybayan ang world premiere ng “Encantadia Chronicles: Sang’gre,” tampok ang makapigil-hiningang visual effects at pangmalakasang storyline sa pilot episode nito.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa Balitanghali nitong Martes, sinabing muling nasulyapan ang unang henerasyon ng mga tagapangalaga ng brilyante sa cinematic na unang episode.
Kasama si Nunong Imaw, ipinakilala na rin ang mga batang Sang’gre, ang istorya ng apat na teritoryo, at kahariang matatagpuan sa Encantadia na pinamumunuan ni Bathalumang Cassiopea.
Ipinakilala na rin ang ilang mga kaaway, kabilang si Kera Mitena na ginagampanan ni Rhian Ramos.
Ang reyna ng Mine-a-ve na pumatay kay Arsus sa mundo ng mga isinumpa.
Sabay-sabay na pinanood ng mga bagong Sang’gre ang premiere ng kanilang telefantasya sa GMA Prime.
“Everything just adds to 'yung power and magic ng mundo ng Encantadia,” sabi ni Rhian.
“Ang sarap makita kung gaano kagaling 'yung kaya nating iproduce tayo, ‘di ba bilang mga Pilipino,” sabi naman ni Faith Da Silva na gumaganap bilang si Flamarra.
“'Yung fact na alam namin na pinapanood namin ito together, iba siya sa pakiramdam eh,” sabi ni Angel Guardian, gumaganap bilang si Deia.
Maikling komento naman ni Kelvin Miranda, na gumaganap bilang si Adamus, “Ang masasabi ko lang, astig.”
May mensahe naman si Bianca Umali, na gumaganap bilang si Terra.
“Encantadiks, mahal namin kayo. Sana po ay masaya kayo,” sabi ni Bianca.
Napanood din sa Sang’gre si Sanya Lopez, na milyon-milyon ang views sa TikTok dahil sa kaniyang latest makeup transformation bilang si Sang’gre Danaya.
Inaantabayanan din ang magiging papel sa Sang’gre ni Shuvee Etrata matapos ang kaniyang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.” –Jamil Santos/NB, GMA Integrated News
