Napapanood na ang pinakabagong revenge drama series na “Beauty Empire” sa streaming site at app na Viu Philippines, at inaantabayanan na rin ang pilot episode nito sa GMA sa Hulyo 7.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing serving their face cards at suot ang kanilang glamorous fits ang lead stars ng Beauty Empire na sina Barbie Forteza, Kyline Alcantara at Ruffa Gutierrez nang humarap sila sa media conference.
Original series ng GMA Network, Creation Studios at Viu Philippines, ang "Beauty Empire" ay kuwento tungkol sa mga naggagandahan, fierce at mga ambisyosang babae sa isang “cutthroat” na mundo ng beauty industry.
Sinabi ni Barbie, maraming makare-relate na Kapuso lalo na sa kaniyang karakter na si Noreen Alfonso, isang babaeng nagsisikap para matupad ang pangarap para sa pamilya.
“May mga times na mapapagod ka eh. Kasi no matter how much you plan to do something, and sobrang hirap noon para makuha, mapapagod ka talaga. So, pamilya talaga 'yung pagkukunan mo ng lakas. Sila talaga 'yung magiging inspirasyon mo,” sabi ni Barbie.
May pagka-fierce naman ang karakter ni Kyline na si Shari De Jesus dahil sa kaniyang malalim na hugot.
“There is a side of me that is sweet. But, siyempre palaban po tayo dapat sa buhay. And doon din naman ako nakaka-relate sa karakter ni Shari. Actually, lahat naman kami dito eh. Gagawin ang lahat para sa aming mga pangarap, para sa aming pamilya,” ani Kyline.
Para naman kay Ruffa, very relatable din ang karakter na si Velma Imperial, ang CEO ng isang beauty brand.
“Like gagawin mo ang lahat para sa pamilya mo, gagawin mo'ng lahat para sa pag-ibig, ‘pag asawa mo na. ‘Pag boyfriend, medyo mag-iwan ka para sa sarili mo… ‘Yung pagkakaiba namin, I always leave something for myself. Mahalin muna natin ang sarili natin bago ibang tao,” sabi ni Ruffa.
Love interest ni Barbie si Sam Concepcion na gaganap bilang kaniyang kababatang si Migoy, habang romantic interest ng karakter ni Kyline ang karakter ng South Korean actor naman na si Choi Bo Min na si Alex.
“Meron talaga tayong, we can go to the extremes para sa mga mahal natin sa buhay,” sabi ni Sam.
“I think we all have dreams, some wide goals, and we can do everything,” sabi ni Choi Bo Min.
Nasa media conference rin ang iba pang cast, executives ng GMA, Creation Studios at Viu Philippines. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News
