Grupo ng mga kabataan, nag riot sa kahabaan ng Lacson Avenue sa Sampaloc, Manila tatlong lalaki arestado habang tatlong menor de edad ang nasagip.

Sa isang viral video sa social media, kita ang batuhan ng ilang kabataan sa bahagi ng Lacson Avenue sa Sampaloc, Maynila pasado alas dos ng hapon nitong Martes.

Ang ilan sa kanila, nakasuot pa ng school uniform habang may hawak na pamalo.

Ang iba naman, may hawak na bato at payong na mistulang pansalag sa mga ipinupukol sa kanila.

Dahil dito, pansamantalang nahinto ang daloy ng trapiko sa lugar.

Dahil sa uploader ng video, agad naman dumating ang mga pulis kaya nahinto ang riot.

Pero, makalipas ang mahigit isang oras, muling nagbalikan ang dalawang grupo at itinuloy ang kanilang away.

Maririnig pa sa isang video ang pagbasag ng mga bote na inihahagis ng magkabilang panig.

Ayong sa Barangay 411, posibleng nagsimula ang gulo sa bahagi ng G. Tuazon dakong ala-una ng hapon.

Hindi na daw bago sa kanila ang ganitong insidente dahil madalas nagagamit ang kanilang lugar bilang battleground ng mga kabataan.

Sabi pa ng Barangay 411, nasa 20 ang nasangkot sa riot pero hindi nila residente ang mga ito.

Wala rin naman daw nasugatan sa kanila pero posibleng may mga sasakyan na nadamay ngunit hindi na nagsampa ng reklamo.

Sabi ng katabing barangay, resident nila ang isa sa mga nasangkot sa gulo.

Marami na raw record sa kanila ang lalaki at minsan nang na involved sa robbery snatching.

Iginiit naman ng parehong barangay na may mga pulis at mga tauhan sila na nag-iikot sa lugar pero itinataon ng mga kabataan na walang bantay kapag nagsasagawa sila ng riot.

Sa isang Facebook Live ni Manila Mayor Isko Moreno, sinabi niya na anim na lalaki ang dinampot ng mga pulis.

Tatlo dito ay mga menor de edad na agad naman ibinalik sa kanilang mga magulang.

Habang ang tatlo ay mga nasa edad 20 hanggang 28.

Nasampahan na sila ng reklamong alarm and scandal. — BAP, GMA Integrated News