Nagtamo ng mga sugat ang isang 74-anyos na lola matapos siyang ma-hit and run ng isang SUV habang tumatawid sa pedestrian lane sa A. Bonifacio Avenue sa Marikina.
Sa ulat ni EJ Gomez sa "Balitanghali" nitong Martes, mapanonood ang biktima na nakapayong sa pedestrian lane noong Sabado ng madaling araw.
Ilang saglit pa, dumaan ang isang SUV at nasalpok ang biktima, kaya siya tumilapon. Ngunit ang sasakyan, nagdire-diretso lamang sa pagtakbo.
Kalaunan, tumulong ang isang rider at iba pang tao sa senior citizen.
Kinilala ang biktimang si Dolores De Gala, na nagtamo ng hiwa sa noo at sugat sa iba pang bahagi ng katawan.
“Ito 'yung aking noo, puro tahi, siyam na tahi. Tapos 'yung tagiliran ko, puro gasgas. 'Yung tuhod ko, buti nakakalakad pa ako,” sabi ni Lola Dolores.
Ayon sa kaniya, galing siya sa bahay ng kaniyang kaanak at pauwi na nang maganap ang insidente.
“Pagtawid ko, wala naman ako nakitang sasakyan eh. Nagulat na lang ako na biglang may bumulaga sa mukha ko. Napaatras pa nga ako eh. Tapos noong natumba na ako, hindi lang ako tinigilan. Nakita na niyang nakagano’n ako. Tuloy-tuloy pa rin siya. Hindi na siya naawa sa akin. Pinabayaan pa niya ako,” anang lola.
Nakatawag pa si Lola Dolores sa kaniyang kapatid para humingi ng tulong, habang rumesponde rin ang rescuers ng Barangay Tañong.
“Dinatnan namin, nakahiga na siya at dumudugo 'yung kaniyang noo. Inalalayan namin siya. Then maya-maya, lumapit 'yung isang humabol na rider. Ibinigay sa amin 'yung plate number at 'yung ebidensya ng sasakyan na mayroong nabakbak doon sa sasakyan niya,” sabi ng kapitan ng Barangay Tañong na si Danny Del Castillo.
Lumabas sa imbestigasyon na ibinibenta online ang sasakyang nakabangga. Nakapost umano ito bago pa maganap ang insidente, ayon sa kaanak ng biktima.
“Posible na 'yung damage na ‘yun is napilasan 'yung harapan ng sasakyan niya kaya nagkaroon kami ng pruweba na itong kulay ng sasakyan na nakasagasa sa lola namin na mas mapagpatibay ng ebidensya namin,” sabi ni Nicole Alatiit, apo ng biktima.
“Nalaman na po namin kung saan po 'yung sasakyan. Hinahanap na lang po kung sino 'yung nagmamaneho ng sasakyan,” sabi pa ni Del Castillo.
Nanawagan ang biktima at ang kaniyang pamilya na sumuko na ang driver.
“Sana magpakita ka na nang makita mo 'yung ginawa mo sa akin. Akala ko ‘pag tumawid ka sa tawiran, safe ka. ‘Yun pala hindi,” sabi ni Lola Dolores.
Patuloy ang pag-iimbestiga at pagtugis ng Marikina Police sa salarin. — Jamil Santos/BAP GMA Integrated News
