Nasawi ang isang 53 anyos na babae matapos mahulog sa bangin ang minamaneho niyang SUV sa Bontoc, Mountain Province. Ang limang iba pang sakay, sugatan.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing nasa 20 talampakan ang lalim ng bangin sa bahagi ng Bontoc Mainit Provincial Road kung saan nahulog ang sasakyan ng mga biktima, ayon sa mga awtoridad.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.
Agad dinala sa ospital ang limang iba pang sugatan na sakay ng SUV.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga sangkot sa insidente. — Jamil Santos/RF GMA Integrated News
