May nakalaang trabaho para sa mga Pinoy na may kaalaman sa Information Technology, at mga skilled at semi-skilled worker ang mga bansang Singapore, Malaysia at Qatar.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing aabot sa 200 information technologist, systems programmer at systems analyst ang kailangan sa Singapore at Malaysia, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration.
Ang mga nabanggit na trabaho, maaari na raw aplayan ng mga Pinoy I.T. sa mga lisensyadong recruitment agencies.
Batay sa impormasyon mula sa POEA, ang mga trabaho sa I.T. ay maaari umanong mag-umpisa ang sahod sa P25,000 hanggang P80,000.
Mas malaki raw ang sahod para sa mga programmer at systems analyst.
Dahil isa raw ang mga Pinoy sa maituturing na pinakamagaling sa info-tech, tiyak daw magiging in demand ang ating mga kababayan.
Sa Qatar na pagdarausan ng FIBA World Cup 2020, mag- uumpisa na raw ang pagbuo ng mga infrastructure projects gaya ng mga sports arena at iba pang facilities.
Dahil dito, kakailanganin daw hindi lang ng mga engineer, kung hindi pati mga skilled at semi-skilled workers gaya ng karpintero, mason, pipe fitter, welder at electrician.
Mangangailangan din daw ng mga sales lady, beautician at mga barbero.
Ang suweldo sa mga nabanggit na trabaho ay aabot daw ng P23,000 hanggang P80,000, at hindi pa kasama ang mga overtime pay.
Ayon naman sa Philippine Association of Service Exporters, Inc. o PASEI, bukod sa Middle East, may mga trabaho rin daw na pwedeng aplayan ng mga Pinoy sa ilang bahagi ng Europa gaya ng Austria, Ireland, Belgium, Luxembourg at Netherlands.
Karamihan daw sa mga bukas na trabaho ay nasa medical profession pero umaasa silang magbubukas din ito para sa mga skilled workers, ayon kau Elsa Villa, presidente ng Pasei.
Para sa mga interesado, maaaring bisitahin ang website ng POEA o tumawag sa hotline nito.
Pero paalaa ng POEA sa mga aplikante, tiyaking accredited ang mga recruitment agency at lehitimo ang mga job orders na aaplayan. -- FRJ, GMA News
