Matapos ang dalawang taon na pagtatrabaho sa ibang bansa bilang domestic helper, naisipan ng isang ginang na magnegosyo na lang sa Pilipinas. Pero sa halip na ginhawa, pasakit ang nakuha niya sa sinalihang online networking group.
Sa ulat ng Sumbungan ng Bayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng dating OFW na itinago sa pangalang "Sara," na taong 2011 nang mag-asawa siya at magdesisyong manatili na lamang sa Pilipinas.
Kasabay nito ay sinimulan niya ang online selling para kumita at nagpa-add sa mga social media group. Dito na niya nakilala ang GMS o Group of Silent Millionaire.
Ayon kay Sara, ang SGM ay isang networking team na nangangako ng mabilis na balik ng puhunan ng mga namumuhunan at kayang palaguin ang ipinasok na pera nang walang kahirap-hirap kahit nasa bahay ka lang.
"Naengganyo ako na parang gusto ko ring sumali. Kasi imagine, P5,500 'yong inaalok nila, mamumuhunan ka, in 15 days ang return is P11,000," kuwento ni Sara.
Patuloy niya, "Mayroong isang tao doon na nag-iisa siyang nagpo-post doon na siya lang mismo. 'Yon nga, yung nakita ko doon, Joemar Jose Miguel Ebol, na siya rin 'yong nagbibigay ng payout noong mga tao."
Ipinaliwanag umano ng GSM founder na si Ebol na umiikot daw ang pera ng kanilang grupo dahil kasali ito sa isa ring networking company na Blessings 777 Incorporated.
Ayon kay Sara, nag-post umano si Ebol ng mga certificate katulad ng Security and Exchange Commission registration at Department of Trade and Industry registration sa FB group ng GSM.
Sa pagtatanong kay Director Jose Aquino ng Enforcement and Investor Protection Department ng SEC, sinabi nito na rehistrado ang Blessing 777 Incorporated pero inaalam pa nila kung anong uri ang negosyo nito.
Gayunman, hindi raw rehistrado sa SEC ang sinalihan ni Sara na GSM, kung saan umaabot na umano sa halos P100,000 ang pera na kaniyang naipasok na puhunan.
"'Yung naipasok kong pera nasa P98,000 o mahigit. Puro pay in yung nangyari sa'kin tapos walang bumalik," saad niya.
Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ng GSM ngunit hindi umano sila sumasagot sa mga tawag.
"Kapag mayroong nag-approach sa'yo, and then promising you this good returns, you should not immediately hand your money. Pinaghirapan mo 'yan, dapat magtanong ka," payo ni Aquino. -- FRJ, GMA News
