Isang araw makaraan ang Pasko, natagpuang patay at may saksak ang isang Filipina sa Southern California. Ang suspek, ang kaniya mismong asawa na nakita ring walang buhay at pinapaniwalaang nagsaksak sa sarili.

Sa ulat ng CBS Los Angeles, sinabing nakita ng mga awtoridad ng Baldwin Park ang mga bangkay nina Albert Ong at Blessel Ong, 25-anyos.

Batay sa impormasyon mula kay Assistant Chief Coroner Ed Winter, sinabi sa ulat na pinaniniwalaang pinaslang ang babae, at nagpakamatay naman ang lalaki.

Lumitaw na dati na umanong may record na "domestic violence" ang mag-asawa.

Ang pamilya ni Blessel, nagsisikap na makalikom ng pondo upang maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.— FRJ, GMA News