Nakagisnan na ng mga Pinoy ang mga sikat na street foods tulad ng kwek kwek, isaw, calamares, lumpia, halo-halo at taho. Pero hindi inakala ng isang OFW na may-ari ng isang food truck na papatok ang mga naturang pagkain sa mga taga-Canada.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing patok ngayon ang certified Pinoy na "Jeepney Jaytee" food truck na pinapatakbo ng OFW at registered nurse na si Jamie Balmores.
Naging number food truck pa ito sa Edmonton, Alberta sa Canada ng dalawang beses.
"Hindi ako nawawalan ng customers. Nag-number one ako, kalaban ko 110 food trucks. Na-dominate ng Filipino ang food truck scene," sabi ni Balmores.
Minana pa raw ni Balmores sa kaniyang ina na tubong Cagayan ang mga Filipino specialty dishes na dinala niya sa Canada noong 2015.
Ang mga Pinoy street foods, nilagyan niya ng twist para umangkop sa panlasa ng mga Canadian.
Ang sisig, ginawa niyang poutine (pooteen) o sisig fries.
"Ang paborito ko talaga is sisig, tapos mahilig din ako sa fries. So pinagsama ko 'yun, 'yung sisig poutine. Sa Canada kasi their favorite food is poutine," kuwento niya.
Samantalang ang bistek na isa sa mga paboritong ulam ng mga Pinoy, ginamit niya sa shawarma.
Nasa menu rin ang sisig tacos, kwek kwek, isaw, lumpia, halo-halo at home-made taho.
Nawala raw ang pagka-home sick ng maraming OFW sa lugar dahil sa kaniyang food truck.
"Alam mo nakakapagtaka. Sabi nila 'yung crab mentality abroad, hindi ko masyadong ramdam 'yun sa Edmonton in terms of the support and love that they give me," sabi pa ni Balmores.
Kalaunan, naging patok na rin ang mga putahe sa mga taga-Canada.
"Nakita mo, kay gaganda at kay ga-gwapo. 'Di ba nakakaproud? Na parang nakakatuwa. Kumakain sila ng isaw, and they call it 'I saw,'" dagdag pa niya.
Naitampok na rin sa iba't-ibang television show sa Canada ang Jeepney Jaytee food truck, kung saan ibinahagi ni Balmores ang kultura at pagkaing Pilipino.
Pero gaya ng marami, dumaan din sa ilang pagsubok si Balmores bago niya nakamit ang tamis ng tagumpay sa food business.
"In 2012, I lost everything here in the Philippines; 'yung ancestral home namin nasunog. Naisip ko na I really have to do something to earn more, naisip ko yung Jeepney Jaytee," saad niya.
Sa pamamagitan ng pagsisikap na sinamahan ng diskarte at sipag, nakamit niya ang tagumpay.
"Nagpapasalamat lang ako dahil Pilipino ako. Though dumating ako sa Canada, alam mo 'yung diskarte sa buhay, Pilipino number 1 du'n. Hindi ka aaray sa isang simpleng sugat kasi sanay ka," sabi ni Balmores. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News

