Isang bangkay na hinihinalang Filipina domestic helper ang nakita sa loob ng freezer ng isang inabandonang apartment sa Kuwait nitong Miyerkules. Paniwala ng mga awtoridad, posibleng isang taon na sa freezer ang naturang bangkay.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng bangkay kung Filipina nga ito.
"Our labor attache is still verifying if the corpse is that of a Filipina," saad sa text message sa GMA News Online ni Bello.
"The embassy has been alerted. It has convened its legal team immediately to work with Kuwait police and forensics, to look into the case and confirm the identity and nationality of the fatality, in addition to taking the necessary legal action on the case," dagdag niya.
Sinabi naman ng opisyal ng Department of Foreign Affairs na bumuo na ng grupo ang Philippine Embassy sa Kuwait upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon kaugnay sa pagtukoy sa biktima.
Noong nakaraang buwan, sinuspindi ng pamahalaan ang pagpapadala ng mga bagong OFW sa Kuwait dahil sa mga ulat ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.
Sa ulat ng Arab Times, sinabing nadiskubre ang bangkay nang isilbi ng mga pulis ang court order upang paalisin ang nakatira sa Salmiya apartment.
Isang mag-asawa umano ang dating nakatira sa apartment at may kasamang kasambahay na Pinay.
Syrian umano ang babae at Lebanese ang mister nito.
Umalis umano ng Kuwait ang mag-asawa noong 2016 nang may lumabas na arrest warrant laban sa lalaki kaugnay sa kaso ng mga pekeng tseke. Suspek ngayon ang mag-asawa sa nakitang bangkay sa freezer.
Sa hiwalay ng ulat ng Kuwait Times, sinabing may nakitang saksak sa leeg ang biktima at mga palatandaan ng pagpapahirap. -- FRJ, GMA News
