Inihayag ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano nitong Lunes na ipinaalam sa mga awtoridad sa Kuwait ang ginawang "pagsagip" sa ilang OFW na lumabas sa social media at nag-viral ang video.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ipatawag ng mga opisyal sa Kuwait si Philippine Ambassador Renato Pedro Villa dahil sa paglabas ng video habang sinusundo ng mga tauhan umano ng Rapid Response Team ang ilang OFW na tumatakas sa bahay ng kanilang amo.
READ: Paglabas ng video na sinasagip ang ilang OFW, mali, ayon sa opisyal ng OWWA
Hindi rin umano nagustuhan ng mga opisyal sa Kuwait ang mga sinasabi ng Filipino officials kaugnay sa video.
"Mahinahon naman at very respectfully na sinagot ng ating ambassador na lahat ng kaso ng rescue at pang-aabuso sa ating mga kababayan doon ay dinadaan po sa Ministry of Interior, at nakikipag-coordinate po sila sa local authorities. Pati po 'yung mga rescue, kino-coordinate ito," sabi ni Cayetano.
"Ako'y naniniwala, maaayos 'yung misunderstanding na 'yon. Ang pinakaimportante, mapakinggan natin 'yung complaints, at bago natin pirmahan 'yung agreement at i-lift 'yung ban, maayos ang takbo ng mga sistema natin," dagdag niya.
Ayon sa kalihim, nagpasya ang pamahalaan ng Pilipinas na iuwi na ang mga OFW dahil sa sumbong na inaabuso sila ng kanilang mga amo.
"Kasi these are cases na may grave danger at puwedeng life-or-death ang pinag-uusapan sa OFWs. Siyempre, kung mapaabot sa inyo na duguan na o ginugulpi or, very likely, nasasaktan siya or may gagawin or continuous na 'yung abuse, 'pag hinintay mo 'yung normal process, may katagalan. That's why may concept nga ng rescue," paliwanag ni Cayetano.
Nang tanungin kung papauwiin ba si Villa, sinabi ni Cayetano na patuloy pang nagsisiyasat ang mga awtoridad ng Kuwait.
Pero idinipensa ni Cayetano si Villa at sinabing wala itong masayang intensyon laban sa Kuwait government.
"Wala pang ganoon. We will tell you kung meron. But they're doing some investigation now on the Kuwait side, and mamaya i-ano natin sa ambassador na sana maging fair lahat at protected mga tao natin sapagkat ginawa lang nila naman mga trabaho nila," ani Cayetano.
"We will do our best to clarify all of these, and to assure our friendship with the Kuwait government and that our people there are safe, in the same manner that we are assuring them na ang nationals nila dito sa Pilipinas will be kept safe and will be protected," dagdag niya.
Una rito, sinabi ni Overseas Workers' Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Arnel Ignacio, na labag sa batas ng Kuwait ang ginawa ng rapid response team at hindi na dapat inilabas sa social media ang video ng pagsagip sa mga OFW.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ni Villa na laging nakikipag-ugnayan ang embahada sa Ministry of Interior ng Kuwait kapag may ginawa silang pagkilos kaugnay sa mga kababayang humihingi ng tulong.
"The embassy always coordinate with the Ministry of Interior. All the efforts undertaken in the past weeks in response to request for assistance by our national are undertaken to ensure the we resolve outstanding issues before the signing of the domestic workers agreement and the visit of Presidente Duterte," anang embahador.-- FRJ, GMA News
