Nagpahiwatig si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na naapektuhan ng pagpapatalsik kay Philippine Ambassador Renato Villa ang nakatakdang pirmahan ng Pilipinas at Kuwait sa kasunduan na magbibigay ng proteksyon sa mga OFW sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan.
Sa panayam ng mga mamamahayag sa Singapore nitong Huwebes, sinabi ni Cayetano na si Pangulong Rodrigo Duterte ang magpapasya kung ano ang susunod nilang gagawin matapos patalsikin ng Kuwait si Villa.
“Now that this is happening, why would I recommend that we sign the memorandum [sa OFW protection] and lift the ban [sa OFW deployment]? But we’re hoping this will all be clarified,” sabi ni Cayetano sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "Unang Balita."
Una nang sinabi ni Duterte na magtutungo siya sa Kuwait para saksihan ang pirmahan ng kasunduan matapos umanong pumayag ang nabanggit na bansa sa mga kondisyon na magbibigay proteksyon sa mga OFW.
Gayunman, habang inaakalang bumubuti na ang ugnayan ng dalawang bansa, bigla namang nagkaroon ng problema nang lumabas ang video at nag-viral sa social media sa ginagawang pagsagip ng ilang tauhan ng DFA sa mga nagigipit na OFW.
Hindi inatuwa ng Kuwait ang naturang paglabas ng video at ang paraan ng pagsagip na hindi umano ipinaalam sa kanilang awtoridad.
Bagaman iginiit ni Cayetano na nakipag-ugnayan ang DFA sa naturang mga operasyon, humingi pa rin siya ng paumanhin sa pamahalaan ng Kuwait.
Sa kabilang nito, nagpasya pa rin ang Kuwait na patalsikin sa bansa nila si Villa at ipinaaresto ang tatlong Pinoy na kasama sa ginawang pagsagip sa mga OFW.
Ayon kay Cayetano, hindi niya inasahan ang desisyon ng Kuwait na patalsikin si Villa at humingi ito ng paliwanag sa embahador ng naturang bansa.
“I’m asking for clarification not because he [Villa] was removed per se which is within their right but why assure me when you want him there and you suddenly do this,” sabi ni Cayetano.
Para naman kay Senador Cynthia Villar, hindi umano dapat maapektuhan ang pag-uusap sa kasunduang binubuo para mapangalagaan ang mga OFW sa Kuwait.
"We really have to protect our OFWs. Hindi naman unfounded ang ating concern," sabi ng senador. "Whatever pain we have to suffer, we really have to protect our OFWs." --FRJ, GMA News
