Arestado ang isang babae sa isinagawang entrapment operation ang mga awtoridad sa Laguna dahil sa paghingi umano ng pera sa kaniyang mga biktima na inalok niyang magtrabaho sa mansyon ni Justin Bieber sa Cayman Islands.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News' 24 Oras nitong Martes, kinilala ang suspek na si Mary Jane Macapayag, na nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob mismo ng kaniyang boutique kung saan siya nagre-recruit ng mga bibiktimahin.

Kumilos agad ang NBI nang kunin ni Macapayag ang "marked money" na iniabot ng mga nagrereklamo.

Tinangka pang lumusot ni Macapayag nang ihagis sa ilalim ng mesa niya ang magkadong pera.

"Ni-recruit sila ni Mary Jane para daw magtrabaho sa Cayman Islands, sa mansion daw ni Justin Beiber. Ang salary nila ay $2500 a month," sabi ni Atty. Daniel Daganzo, chief, NBI Laguna District Office.

Isa sa mga nabiktima ay itinago sa pangalang Janine, 21-anyos, na nagkandarapa raw sa pag-apply lalo na nang malamang magiging amo niya ang idolong si Bieber.

"Tumigil po ako ng isang taon sa pag-aaral, then nabanggit sa akin ng tita ko kung gusto ko magtrabaho abroad. Iga-grab ko 'yun siyempre, malaking opportunity 'yun para sa akin," sabi ni Janine.

Pati ang matalik na kaibigan ni Mary Jane na si Elsa, biniktima ng suspek.

"It seems like a paradise, the place, location and everything. We are 5 in a group, sama-sama kami magwo-work sa loob," sabi ni Elsa.

Kulang-kulang P100,000 umano ang natangay ng suspek sa bawat nagrereklamo.

Sinabi ng POEA na hindi awtorisadong mag-recruit ng mga manggagawa si Mary Jane.

"Sorry sa kanilang lahat, willing akong ayusin ano po 'yung nagawa ko. Gawa po ng kagipitan. Dahil hindi naman ako masamang tao," sabi ni  Macapayag.

Ayon sa NBI, posibleng marami pang mga naging biktima si Macapayag na dati nang may kasong illegal recruitment at estafa sa Manila.-- Jamil Santos, GMA News TV