Nagpaliwanag nitong Huwebes ang isa sa dalawang Pilipino na nambugbog umano sa mga kapwa-Pilipinong magkapatid sa Hong Kong.
Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras nitong Huwebes, itinaggi ng Muay Thai instructor na si Sebastian Chancell Wong na siya at ang kasama niyang boxer na si Jay Solmiano ang nagpasimuno ng gulo, na una nang idinetalye ng nakaaway nilang si Denise Lizo.
Sa pahayag ni Lizo, pinagtanggol niya ang isang babae na sinaktan umano ni Wong.
"Hindi ko naman talaga sinaktan 'yung babae, sir... makulit na po siya. Tapos nagpupumiglas na po siya ng kamay. So, siyempre, aawatin mo 'yung kamay niya kasi pumipiglas na. So siguro, 'yun ang nakita nila on their side, which is sana nagtanong muna," giit nito.
Dagdag pa niya: "Habang nag-uusap kami, hetong isa, si Ricky po ang pangalan, bigla po akong pinalo ng bote sa ulo.
"Bumaba na po kami. Paalis na po kami... hinabol pa po nila kami. At umatake sila ulit. Tapos nu'ng umatake sila du'n, nakita na naman ni Jay na pinalo ulit ako ng bote at hindi na po niya naawat kasi pati siya, sinusugod na rin. So napilitan na po siyang lumaban na rin," aniya.
Ipinakita ni Wong sa larawan ang ilan sa mga tinamo niyang tahi sa ulo. Dalawang araw daw siyang na-ospital.
"Hindi po magagawa 'yang sugat na 'yan ng kamay-kamay lang. Meron po silang ginamit na sandata o something hard na object na ginamit sa akin."
Dagdag ni Wong, mali ang bintang ng magkapatid na nagtatago sila.
"Hindi po kami nagtatago. Sa katunayan po, kaninang umaga lang, galing na po kami ng police station para mag-file ng formal complaint," sabi niya.
Para sa Muay Thai instructor, silang dalawa ni Solmiano ang totoong naagrabyado sa nangyaring gulo, kahit mas malala ang tinamong mga bugbog ng magkapatid na Lizo.
Galing lang daw sa "instinct" ang nagawa nila.
"Tsaka po sa pinsala na inabot ko, sir, sa ordinaryong tao, sa unang palo pa lang, di na tatayo, sir...Itong kaibigan ko pong si Jay, actually pinagtatangkaan na po 'yung buhay niya," sabi ni Wong.
Wala pang pahayag si Solmiano at sinisikapan pang kunin ang panig ng magkapatid na Lizo.
Sa nauna niyang kuwento sa ulat nitong Miyerkules, sinabi ni Lizo na sina Wong at Solmiano ang unang nanakit.
Nakiusap din daw sila sa dalawa pero hindi sila tinigilan kahit nakahandusay na ang kanyang kapatid
"Wala silang awa, mga professional sila e," giit ni Lizo. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News
