Nasa isang libong Pinay nurse umano ang kailangan sa Saudi Arabia na bukod sa magandang sahod, may mga kasama pa umanong insentibo gaya ng libreng matitirhan.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, government to government ang gagawing pagkuha sa mga nurse kaya libre ang aplikasyon sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at hindi sa mga agency.
Ilan sa mga requirement ay kailangang may board o PRC license, at dalawang taong may karanasan sa pagtatrabaho bilang nurse.
Maliban sa suweldo, ilan umano sa mga benepisyo na makukuha ng mga makukuhang nurse ay paid annual vacation leave na may libreng round trip plane ticket pauwi ng Pilipinas, at libreng pagkain at tirahan.
Nasa mahigit 4,000 Riyal ang paunang sahod o mahigit P58,000, na puwede umanong umabot hanggang P90,000.
"'Yan 'yung starting nila. But as they go along based on their experiences, based on their specialization tumataas 'yung suweldo nila," sabi ni Jocelyn Sanchez ,Deputy Administrator, POEA.
Para makapag-apply, kailangan munang magparehistro sa online registration ng POEA website at dalhin ang mga kailangang requirements bago pumunta ng POEA.
Maliban sa Saudi Arabia, nangangailangan pa rin umano ng mga nurse ang Germany at United Kingdom.
Maaaring makita ang mga detalye tungkol dito sa website ng POEA at kung lehitimo at accredited ang isang agency. -- FRJ, GMA News
