Sampung marinong Pinoy ang binihag ng mga aramadong lalaki sa magkahiwalay na insidente ng hijacking sa Gulf of Guinea, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules.

Sa pahayag na inilabas ng DFA batay sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Nigeria, dalawa sa mga Pinoy na binihag ng mga pirata ay sakay at nagtatrabaho sa Liberian-flagged container ship.

Bukod sa dalawang Filipino, may siyam na iba pang sakay ang barko nang agawin ng mga pirata noong Oktubre 27.

Samanatala, walo namang Pinoy na marino, kasama ang siyam na iba pang crewmember ang nabihag nang salakayin ng mga pirata ang isang Panamanian-registered tanker noong Oktubre 29.

"It was not clear if the seafarers were taken by the same group of pirates who abducted seven Filipinos on board a Swiss-flagged vessel off Nigerian waters last month," ayon sa DFA.

Napalaya na ang nabanggit na pitong Pinoy noong Linggo.— FRJ, GMA News