May mga bakanteng trabaho tulad ng nurse na maaaring aplayan sa Amerika, Malaysia at Middle East.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing naghahanap ang Ruru Global Recruitment Services Inc. (RGRSI ), ng mahigit 1,000 skilled workers para sa Middle East.

Ang nabanggit na recruitment agency ay may lehitimong lisensiya mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Mayroon din umanong job order ang RGRSI para sa 150 nurse na kailangan naman sa Amerika.

Nasa $24.50 o halos P1,300 kada oras ang alok na suweldo sa mga nurse bukod pa sa mga benepisyo.

"Immigrant visa ang gagamitin. Yung ibang nurse natin na pinalis they were able to bring yung kanilang family," ayon kay Janessa Medina-Bacolod, senior vice president ng RGRSI, na sinabing walang babayarang placement at processing fee sa aplikasyon.

Kabilang naman sa kailangang requirements ng mga mag-aaplay ang aktibong lisensya bilang nurse at pagkakaroon ng dalawang taong karanasan bilang nurse sa 100-bed hospital.

Nasa 1,000 nurse din ang kailangan sa Saudi Arabia na government to government naman ang transaksyon, ayon sa POEA.

Sinabi naman ng RGRSI na may job order din sila para sa 94 hotel workers para sa Malaysia.

Malapit na rin daw umanong magbukas ang pinto ng Japan para sa mga Pilipinong kuwalipikadong magtrabaho sa hotel.

Ang employer na rin daw ang sasagot para sa pag-aaral ng basic Nihongo o Japanese language ng mga matatanggap.

Muli namang nagpaalala ang POEA at Department of Labor and Employment na siguruhing legal at rehistrado ang recruiter na kakausapin sa pag-a-aplay ng trabaho sa abroad.

Bisitahin ang POEA website upang makita ang listahan ng mga lisensyadong recruitment agency.-- FRJ, GMA News