Isang 18-anyos na estudyanteng Pinoy ang nasawi matapos na dumalo sa isang fraternity party. Sabi ng kaniyang mga kasamahan, labis daw ang nainom ng biktima.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, lumitaw na tumawag sa emergency 911 ang mga kasamahan sa frat ng biktimang si Noah Domingo sa Irvine, California, para ipaalam ang kaniyang kalagayan.

Sabi ng tumawag, masama ang kalagayan ni Domingo at hindi na humihinga matapos na mapadami umano ang nainom na alak sa kanilang private party.

Hindi raw nila namalayan na nawalan na ito ng malay at tinangka rin daw nilang i-revive si Domingo.

Hindi pa tiyak kung ang labis na pag-inom talaga ang ikinasawi ng biktima pero sinuspindi umano ng University of California ang mga aktibidad ng fraternity habang patuloy ang imbestigasyon.

Kamakailan lang, isang Pinoy naman sa San Jose, California ang inaresto dahil sa hinala ng mga awtoridad na siya ang sumaksak at pumatay sa sarili niyang ina.

Ang 25-anyos na suspek na si Michael Ablasa  pa umano ang tumawag sa 911 para i-report na nakita raw niya ang ina sa loob ng kanilang bahay na duguan at wala nang buhay.

Pero sa imbestigasyon ng pulisya, si Ablasa ang lumilitaw na suspek sa krimen.-- FRJ, GMA News