Naunsiyami ang pag-uwi sa Pilipinas ng isang Pinay nurse nang masangkot siya sa aksidenteng pagkakapalit ng mga sanggol sa kani-kanilang ina sa isang ospital sa Jeddah, Saudi Arabia.

Ayon sa Pinay nurse na itinago sa pangalang Gina, siya ang itinuro ng pamunuan ng kanilang ospital na responsable sa pagkakapalit ng mga sanggol, bagay na kaniya namang itinatanggi.

Kuwento niya, kulang sa staff ang ospital at dalawa lang silang naka-duty nang mangyari ang insidente.

"Hindi naman ako ang nagbigay ng bata, ako daw ang nagpalit ng bata. Hindi naman ako aware na nagkapalit ang bata dahil ang dami ko talagang trabaho," paliwanag niya.

Kahit last day na sana niya sa trabaho, sinuspindi pa rin siya ng pamunuan ng ospital habang hinihintay kung sakaling magtanong ang Ministry of Health kung anong hakbang ang kanilang ginawa sa nangyaring insidente.

Pero hinanakit ni Gina, isang buwan na ang nakalilipas muna nang mangyari ang insidente at wala pa rin sinasabi sa kaniya ang pamunuan ng pagamutan kaya dumulog na siya sa grupong Kaagapay ng Bawat OFW, na naglapit naman sa kaniya sa Overseas Workers Welfare Office.

Ayon kay OWWA Welfare Officer James Mendiola, nagdesisyon daw ang dalawang ina ng nagkapalit na sanggol na humingi na lang ng refund sa kanilang nagastos sa ospital dahil sa nangyari.

"Ang desisyon sa kanila, hati sila ng ospital dun sa pag-refund, 50-50 sila ng ospital, ang amount na sinabi ay Riyal 10,000 (tinatayang P138,874) bawat isa," sabi ni Mendiola.

Gayunman, sinabi ni Labor Attache Nasser Munder, na pakikiusapan nila ang ospital na huwag nang singilin si Gina dahil malaking halaga ang pinag-uusapan at pinagtrabaho pa rin nila ang OFW kahit nagpasabi na ito na uuwi na.

"Ine-negotiate natin sa ospital. Alam naman natin ang financial capabilities ng worker maliit lang buwanang sahod, at since may pagkukulangan din ang ospital dahil under staff, tapos pinapagtrabaho pa siya kahit na nagpasabi na siya ay uuwi na," ayon sa opisyal.--Ronaldo Concha/FRJ, GMA News