Isang Pinoy sa San Jose, California ang dinakip ng mga awtoridad matapos siyang ireklamo ng pangmomolestiya ng dalawang menor de edad na estudyante.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Junior Bitao, na nagtatrabaho umano bilang teacher's aid sa isang paaralan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari umano ang pangmomolestiya sa pagitan nitong Abril 17 hanggang Mayo 1.

Sinusubukan pang kunin ng GMA News ang pahayag ng suspek na nakakulong na.
Samantala, isa ring pinoy sa Hawaii ang nahaharap sa sampung taong pagkakakulong dahil sa pagpatay sa kaniyang kababayan.

Ayon sa pulisya sa Hawaii, inako ni Jun Lee Irorita ang pagpatay sa kaniyang kapwa-Filipino doon na si Helen Prestosa.

Unang iniulat na nawawala si Prestosa noong November 2015, at makalipas ang limang buwan ay natagpuan ang kaniyang bangkay sa isang bundok.

Ayon sa pulisya, nakipagkasundo si Irorita sa mga prosecutor na aminin ang krimen kapalit ng pagpapababa ng kaniyang kaso.

Kaya mula kasong murder na habambuhay na pagkakakulong ang parusa, ibinaba ang kaniyang kaso sa first degree assault, na may maximum penalty na sampung taong pagkakakulong.-- FRJ, GMA News