Ilang overseas Filipino worker na naka-day off sa Hong Kong ang na-stranded umano at hindi kaagad nakabalik sa kanilang pinagtatrabahuhan dahil sa mga nagaganap na protesta sa naturang teritoryo ng China.

Ayon kay GMA News stringer Corazon Amaya-Cañete sa kaniyang ulat sa "Unang Balita" nitong nitong Miyerkules, sinabi nito na may naganap na ring protesta nitong Linggo sa mga popular tourist spot tulad ng Nathan Road at Causeway Bay.

Ang naturang lugar ay pinupuntahan ng mga turista dahil maaaring makabili ng mga murang produkto tulad ng mga sapatos at gadget.

Ayon kay Cañete, may mga nagpoprotesta na wala dalang gamit tulad ng maskara bilang proteksyon sa mga tear gas ng anti-riot police. Kaya hindi maiwasan na maging ang mga inosenteng naglalakad ay posibleng mapagkamalang kasama sa protesta.

Kamakailan lang, isang Pinoy ang dinakip ng mga awtoridad matapos siyang paghinalaan na kasama sa mga nagpopresta. Nakalaya ang Pinoy dahil sa piyansa.

Tinatayang nasa 230,000 ang mga Pinoy na nasa Hong Kong at karamihan ay nagtatrabaho bilang kasambahay.

Sabi ni Cañete, may mga OFW na naipit sa protesta at kinailangang magtago  tulad sa mga restaurant upang hindi sila mapagkamalan ng mga pulis na kasama sa nagra-rally.

Hindi umano maiwasan na mangamba ang ilang OFW na mawalan sila ng trabaho kapag hindi sila nakabalik sa kanilang mga amo sa tamang oras.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing may ilang OFW na hindi na pinagdi-day off ng kanilang mga amo hindi na sila lumabas ng bahay at nang makaiwas sa protesta.--FRJ, GMA News