Simula sa Oktubre o Nobyembre, posibleng buksan na umano ang aplikasyon para sa mga Pinoy na nais magtrabaho sa hotel at tourism industry ng Israel, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing wala daw age limit at wala ring language proficiency exam na kailangan basta kayang magsalita ng wikang ingles.

"Mga October o November ito. And tayo yung kauna-unahang binigyan nila ng opportunity para sa hotel workers sa Israel," ayon kay Bernard Olalia, administrator POEA.

Ayon kay Deejae Juanta ng TESDA, mas madaling matanggap sa abroad ang aplikanteng mas maraming kasanayan o skills.

"Kung mas kaya nilang magpa-assess ng mas maraming nc2 much better para at least yung mga employer mas masaya sila kung mas maraming kayang gawin yung ating employee," saad niya.

Bukod sa Israel, mangangailangan din umano ng 1,000 Pinay nurses ang Ministry of Health ng Saudi Arabia.

Halos P60,000 umano ang sahod nito, bukod pa sa mga benepisyo gaya ng libreng pamasahe at accommodation.

Pagtiyak ni Olalia, mga institusyon ng gobyerno ng KSA ang paglalagyan sa mga Pinay nurse kaya matitiyak na maganda ang record nito at ligtas ang mga kababayan.

Paalala naman ng opisyal, kailangan munang magrehistro sa website ng POEA ang mga nais mag-apply bago pumunta sa head office ng tanggapan at huwag magpapabiktima sa mga illegal recruiter.-- FRJ, GMA News