Nagpatupad ng dagdag-sahod ang Hong Kong para sa mga dayuhang manggagawa doon, tulad sa mga overseas Filipino workers. Pero ang ilang OFW, naliliitan sa naging umento.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagsimulang ipinatupad ang dagdag na sahod at food allowance sa mga dayuhang manggagawa nitong Setyembre 28.

Ang mga may kontrata umanong pinirmihan simula September 28 ay magiging HK$4,630 o P30,095 pesos ang minimum allowable wage sa mga foreign domestic workers.

Katumbas ito ng HK$110 o P715  na wage increase.

Ang buwanang food allowance naman ay itinaas sa HK$1,121 o halos P7,300.

Katumbas ito ng HK$46 o halos P300 ang dagdag.

Ang food allowance ay para sa mga domestic helper na bumibili ng sarili nilang pagkain.

Pero dismayado ang ilang OFW sa Hong Kong dahil lubha umanong maliit ng ibinigay na umento sa sahod.

Ang nais daw ng grupo ay HK$5,894 o mahigit P38,000 na minimum wage sa mga domestic helper.

"Hindi kami masaya dun sa naging maliit na pagtaas ng aming sahod. Dahil at the moment, napakahirap na ng kalagayan sa Hong Kong, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin," saad ni Dolores Balladares, isang OFW sa Hong Kong

Sa kabila nito, marami pa rin umanong Pinoy ang nais na magtrabaho sa Hong Kong dahil mas mataas ang kanilang kikitain dito kumpara sa Pilipinas. Bukod dito, mas kaunti lang umano ang mga ipinagbabawal kumpara sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

"Isa sa pinaka-well sought market [ang Hong Kong] kasi nga malaki ang suweldo, umaabot ng P30,000. Walang masyadong prohibition na tulad sa Middle East," paliwanag ni Alfredo Palmiery, president, Society of Hong Kong Accredited Recruiters of the Philippines.

Nagpaalala naman ang Philippine Overseas Employment Administration  sa mga manggagawang Pinoy sa Hong Kong na tiyaking tama ang pinasasahod sa kanila at magsumbong sa kanilang ahensiya kung may reklamo sila.--FRJ, GMA News