Sa "Fact or Fake" ni Joseph Morong, tinalakay ang mga maling paniniwala tungkol sa pag-apply ng U.S. visa. Kabilang na rito ang pagsusuot ng mga diyamante at formal attire, at pagkakaroon ng "six digits" sa iyong bank account.

Una, sinabi ni Martin Lahm, Non-immigrant Visa Unit Chief ng US Embassy in the Philippines, na ang basehan ng pagiging "qualified" ng isang Pinoy ay nasa requirements at hindi sa garbo ng damit.

"You shouldn't come here with valuables. That is a mistake. The decision to issue you a visa is based on whether you're qualified. So you don't need to show up in a Barong Tagalog and a Maria Clara," sabi ni Lahm.

Pangalawa, hindi rin totoong mas mahihirapan ang isang aplikante na mag-apply kung na-"denied" na siya dati.

Ayon sa U.S. Consulate, pagbabasehan ng mga officer kung kwalipikado ba ang aplikante sa oras na nag-apply siya, at hindi sa kung "denied" ba siya noon.

Pangatlo, hindi rin totoo na kailangang mayaman o may "six digits" sa bangko ang isang aplikante, pero kailangan lamang ng na may sapat siyang pera para sa biyahe.

"Maybe money is a concern for a specific travel, but not just to qualify as a tourist visa. There's no set amount that you need," sabi ni Lahm.

Pang-apat, hindi na kailangan pang magpakita ng roundtrip ticket para maaprubahan ang U.S. visa.

Ayon kay Lahm, hintayin munang makakuha ng U.S. visa bago mag-book ng roundtrip tickets at hotel reservations.

Panglima, hindi na rin kailangan pang maging "fluent" ang isang Pinoy sa Ingles.

"No, you do not need to be fluent in English. You need to have enough English for the purpose of your trip. If you're going for tourism, you don't need to be fluent in English at all. If you're going to go and work or do business, you need to have enough English to conduct your business," ani Lahm.

Dagdag pa ni Lahm, mayroong mga officers at staff sa U.S. embassy na maaaring mag-translate sakali mang hindi gaanong marunong mag-Ingles ang aplikante sa interview.-- FRJ, GMA News