Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Filipino ang nasawi nang araruhin ng isang sasakyan ang mga Pinoy na nasa sa labas ng isang mall sa Singapore. Apat na iba pa ang nasugatan sa nangyaring sakuna.
"The Department of Foreign Affairs (DFA) today expresses its condolences to the families of two Filipinos who died after a car lost control and crashed into a group of Filipinos at Lucky Plaza in Singapore, yesterday afternoon. The accident also left four other Filipinos injured," ayon sa pahayag ng DFA nitong Lunes.
Batay umano sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Singapore, stable na ang kalagayan sa ospital ng dalawang nasugatan. Samantalang ang dalawang iba pa ay "still undergoing intensive treatment."
Tiniyak naman ng DFA na nakaalalay sa mga biktima ang embahada ng Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang embahada sa mga awtoridad para maibalik sa bansa ang mga labi ng mga nasawi.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB nitong Linggo, sinabi umano ng isang embassy official na mga babae ang dalawang nasawi.
Inilarawan naman ng Singapore's Straits Times, na puntahan ang mga Pinoy domestic helper ang pinangyarihan ng aksidente na Lucky Plaza.
"Parang freak accident ang nangyari kaninang hapon, between four and five, dito sa likod ng Lucky Plaza, na isang private sedan ay nawala sa road tsaka binangga ang grupo ng kababayan natin na nagpapahinga sa gilid ng daan at dinala pa pababa doon sa isang driveway ng Lucky Plaza," saad ni Charge d' Affairs Adrian Candolada sa panayam ng dzBB nitong Linggo.
"All of them are adults. We are still verifying their next of kin in Manila. At least two of the victims ay galing sa Cagayan Province, ang isa naman La Union," dagdag ni Candolada.
Inaresto na umano ang 64-anyos na driver ng sasakyan, ayon sa The Straits Times. — FRJ, GMA News
