Ititigil na muna ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga manggawang Pinoy sa Kuwait kaugnay sa pagkamatay ng isang domestic helper sa kamay ng kaniyang mga amo.
Gagawin ito matapos aprubahan ng governing board ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang resolusyon para sa total ban na inirekomenda ni Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment.
Bago nito, nagpatupad ang DOLE ng partial deployment kung saan ipinatigil ang pagpapadala ng mga OFW na unang pagkakataon na magtatrabaho sa Kuwait bilang household service workers.
Ipatutupad ang total deployment ban matapos lumabas sa autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga labi ng pinaslang OFW na si Jeanelyn Villavende, na may indikasyon na hinalay din ang biktima.
Sa resulta ng autopsy report mula sa Kuwaiti, kinumpirma na nakaranas ng pambubugbog si Villavende na dahilan ng kaniyang pagkamatay. Pero wala sa report ang umano'y panghahalay.
Nakatakdang ilibing si Villavende sa Enero 23.-- FRJ, GMA News
