Inilabas na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga alituntunin para sa mga recruitment agency kaugnay sa pangangalaga sa karapatan ng mga domestic helper na Pinoy na magtatrabaho sa Kuwait.

Dahil dito, binuksan nang muli ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pagpoproseso sa mga aplikasyon ng mga nais magtrabaho bilang kasambahay sa nabanggit na bansa sa Gitnang Silangan, ' ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

Sa Memorandum Circular ng POEA, kabilang sa nakasaad ang karapatan ng mga OFW na malayang makapagsumbong  sa mga ahensiya ng Kuwait at Pilipinas kapag may nangyayaring pang-aabuso.

Kailangan ding payagan ng employer ang mga kasambahay na magkaroon ng cellphone o anumang communication device para makausap ang kanilang mga kaanak at ang awtoridad.

Hindi rin dapat hawakan ng mga employer ang passport ng mga domestic worker.

"Mayroon isang requirement na nadagdag at 'yan 'yung employer's proof of capacity to pay the salary of the domestic workers," sabi ni Labor Attache´ Resty Dela Fuente.

Gayunman, hindi umano diretsang sinagot ng opisyal kung ano ang magiging parusa sa mga employer na hindi tutupad sa kontrata. Mayroon umanong batas ang Kuwait na naayon kung hindi tutupad sa kasunduan ang among dayuhan.

Tiniyak ni Dela Fuente na masusi nilang susubaybayan na naipatutupad ang alituntunin.

"Dahil nakalagay ito sa ating implementing guidelines, at kami naman ay magiging proactive din sa isyu na ito and we will be marshalling the support of the recruitment agencies," anang opisyal.

Umaasa naman si Amy Calingasan, magbabalik sa Kuwait para magtrabaho bilang kasambahay, na maipatutupad ang mga bagong alintuntunin at mas magandang kondisyon ng trabaho ang kaniyang mararanasan.

"Natutuwa ako at sana naman po ay tuparin yun ng gobyerno ng Kuwait. Kasi minsan kahit may mga policy na ganun may mga employer po na hindi naman sumusunod," ani Calingasan.-- FRJ, GMA News