Isang babaeng OFW na galing sa Japan ang nakitaan umano ng sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Glan, Sarangani. Pero bago pa man siya masuri, umalis siya ng ospital at iniwan ang anak.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabi ng Provincial Health Office, na dumating sa bansa nitong Pebrero 29 ang OFW at dumiretso sa Glan kasama ang 10-taong-gulang niyang anak.

Pero hindi pa man daw nasusuri ang OFW ay bigla itong umalis at iniwan ang anak na kinakitaan din ng sintomas ng sakit.

Hinala ng provincial health office, posibleng nakalipad na pabalik ng Japan ang OFW.

Ipinagbigay-alam na raw nila sa Bureau of Quarantine  ang insidente para mailagay sa watchlist ang OFW. --FRJ, GMA News