Dahil sa krisis bunga ng COVID-19, marami umanong undocumented Filipino household service workers sa China ang nais nang umuwi sa Pilipinas, ayon sa embahador ng Pilipinas sa nabanggit na bansa.

Ayon kay Ambassador Jose Santiago Sta. Romana, karamihan umano sa mga Pinoy na ito ay nawalan ng trabaho mula nang mangyari ang pagkalat ng virus sa China.

Gayunman, aminado ang opisyal na hindi magiging madali ang pagproseso para maiuwi ang mga undocumented Filipino domestic worker.

“Meron kasing prosesong dadaanan na kasali dito ‘yung you turn yourself in to the Chinese police. Pero ang Chinese police ngayon, public security unit, they don’t accept new surrenderees or those who are undocumented. You need an exit visa to be able to leave,” paliwanag ni Sta. Romana sa isang televised briefing nitong Lunes.

Nagpapatulong din umano ang mga Pinoy na makakuha ng suporta sa pamahalaan ng Pilipinas dahil naapektuhan ang kaniyang trabaho.

“Health-wise okay pero merong mga economic difficulties ang ilan nating kababayan dahil sa walang trabaho o nahinto ang trabaho habang naghihintay ngayon na ma-normalize completely ang situation,” dagdag ng opisyal.

Sinabi ni Sta. Romana na umapela ang embahada sa mga employer na tulungan ang mga manggagawa nilang Pinoy sa harap ng krisis na ito.

Una rito, sinabi ng Department of Labor and Employment na magbibigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng one-time P10,000 assistance sa OFWs na naapektuhan ang trabaho dahil sa pandemic.

Pinayuhan ng DOLE ang mga OFW na makipag-ugnayan sa Philippine Overseas Labor Office sa bansang kanilang kinaroroonan, at kung nasa Pilipinas ay bumisita sa pinakamapit na Overseas Workers Welfare Administration regional office.—FRJ, GMA News