Nasa pitong Pilipino sa New York ang nasawi dahil sa COVID-19, ayon kay Consul General Claro Cristobal nitong Biyernes.

“Ikinalulungkot ko po na pito sa ating mga kababayan rito ang nasawi dahil sa COVID-19,” sabi ni Cristobal sa Laging Handa briefing.

Ang Amerika ang may pinakamarami nang kaso ng COVID-19 sa mundo na nasa 187,302.

Hindi binanggit ni Cristobal ang eksaktong bilang ng mga Pinoy sa New York na nahawahan ng virus, pero sinabi niyang "several dozens" ang nasa ospital ngayon.

“May ilang dosena rin ho ng mga Pilipino na nasa ospital, inilalaban ang kanilang buhay dahil sa COVID-19,” pahayag niya.

Ayon sa opisyal, tinatayang 143,000 ang Pinoy na nasa New York, at tinatayang 137,000 naman ang nasa kalapit na New Jersey, na karamihan ay mga immigrant.

Sinabi ni Cristobal na ang mga non-immigrant Filipinos ang higit na nangangailangan ng tulong.

“Karamihan ng mga Pinoy rito ay immigrant, mga well established. Ang nangangailagan ng tulong ay iyong mga staying here on short term. Ito iyong mga nasa exchange visitor program, trainees, mga teachers, doctors na nagpapakadalubhasa rito,” paliwanag niya.

“There are also those who work in hotels, restaurants which were greatly affected by COVID-19 kasi may stay at home order. Kaya ina-advice na lang namin na umuwi na lamang sila sa Pilipinas, at huminhingi sila ng tulong sa national government para sa pagkain at tirahan nila habang hindi pa sila nakakabalik sa Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal.

Nitong Huwebes, iniulat ng Department of Foreign Affairs na 448 na ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nagpositibo sa COVID-19 sa iba't ibang bahagi ng mundo. Sa Amerika, nakasaad na 37 na Pinoy ang positibo sa virus, isa ang nasawi at 15 ang gumaling na.--FRJ, GMA News