Isang babaeng seafarer ang naglabas ng sama ng loob sa mga kapwa niya Pilipino na sinisisi sila sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang Facebook ni Arbie Rose Dianne Cutad na naglalahad ng kaniyang sama ng loob sa mga Pinoy na nagpapahayag ng diskriminasyon sa mga seafarer.

"Let me tell you this one time, ang kapal po ng mukha niyo para sabihin sa amin na kami 'yung nagdadala ng virus sa Pilipinas at wala kaming karapatang umuwi," saad ni Arbie sa post.

Kamakailan lang, ilang residente ang nagpahayag ng pagtutol na gawing quarantine facility ang isang hotel para sa mga seafarer na napilitang umuwi ng bansa dahil sa krisis dulot ng virus.

Naging masakit para kay Arbie ang naging reaksyon na iyon ng ilang residente.

Iginiit ni Arbie, pitong taon nang nagtatrabaho sa cruise ships bilang chef, na maraming seafarer ang nagtatrabaho sa mga barko para sa kani-kanilang pamilya. Bukod pa umano ito ang malaking kontribusyon nila sa ekonomiya sa pamamagitan ng mga remittance na ipinapadala nila.

Pagtiyak pa ni Arbie, malinis ang mga cruise ship at may sinusunod silang hygiene protocols bilang pag-iingat.

"This video is for those people na hunghang. Hindi ko na po kayang manahimik. Hindi na namin kayang manahimik on behalf of the seafarers and OFWs. Grabe kayo," giit niya.

Masakit daw sa kaniyang kalooban na maging biktima sila ng diskriminasyon kahit pa nagtutulungan ang gobyerno at mga manning agency na kanilang pinagtatrabahuhan upang maiuwi sila sa bansa.

"Hindi lang po ako. Milyon kaming mga Pilipino, milyon kaming mga Pilipino na umaasa sa inyo sana, sa pag-unawa niyo kasi kami, gustong-gusto namin umuwi," panawagan niya.

Nauna nang sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Cacdac na walang lungsod o munisipalidad na maaaring pumigil sa mga OFW na bumalik sa kanilang mga tahanan.

"May mga naglalagay ng placards, signage, may mga barangay dito na hindi tumatanggap ng mga dinadala lang naman ng manning agency o ng OWWA sa mga hotel ay 'yun naman po ay nai-coordinate naman natin sa DILG," sabi ni Cacdac.

"'Yun nga lang talagang dumadaan lang sa mga ganung klaseng pagsubok na hinaharang sila sa una pero pinapayagan naman sa huli," dagdag niya.

Ayon sa OWWA, lahat ng repatriated seafarers mula sa iba't ibang bahagi ng mundo ay mayroon nang pagdadalhang quarantine facility mula sa Department of Health-Bureau of Quarantine.

Tiniyak din ng ahensiya na mga asymptomatic o walang sintomas ng virus ang mga uuwing marino.

Dahil sa krisis, mahigit 4,000 Filipino seafarers ang na-repatriate na mula sa may 30 cruise ships sa iba't ibang panig ng mundo.--FRJ, GMA News