Dahil sa dumadaming frontliners na Pinoy health workers sa United Kingdom na tinatamaan ng COVID-19, kinalampag na ng Philippine Embassy sa London ang Foreign and Commonwealth Office (FCO) doon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng embahada ng Pilipinas sa UK na halos 100 Pilipino na doon ang nagpositibo sa COVID-19.
At hanggang noong Abril 20, hindi umano bababa sa 20 Pinoy health worker na kasamang nakikipaglaban sa virus sa UK ang pumanaw na.
“We are deeply concerned about the deaths of Filipino health workers who sacrificed their lives as the world continues to fight this vicious disease,” sabi ni Philippine Ambassador to London Antonio Lagdemeo.
Sa nakaraang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabing tinatayang 23,000 Filipino health workers ang nasa frontlines sa laban sa COVID-19 sa UK at sa Ireland.
Sabi pa ng DFA, sa 2019 report ng National Health Services (NHS) ng UK, nakasaad umano na nasa 19,000 ng mga kawani nito ay mga Filipino, na kabilang sa pinakamalaking grupo ng kanilang health workers.
Pero may mga impormasyon na nagsasabing hindi lubos na napapangalagaan ang kaligtasan ng mga Pinoy health worker doon na nakikipaglaban sa COVID-19.
Bukod daw sa kakulangan sa PPEs o personal protective equipment, hindi rin daw prayoridad na isailalim sa COVID-19 test ang mga Pinoy health workers na nagkakaroon ng sintamos ng virus.
Kabilang sa mga Pinoy na pumanaw sa UK ay si Elbert Rico, 52-anyos na isang hospital worker sa Oxford City.
Ang kaniyang misis na nurse, dinapuan din ng virus, at patuloy na nagpapagaling.
Ayon kay Consul General Senen Mangalile, tatlong usapin ang ipinaabot nila sa FCO ng UK kaugnay sa kapakanan ng mga Pinoy health workers doon.
“Tatlong bagay po ‘yong pinarating natin sa Foreign and Commonwealth Office ng United Kingdom government. Una, ‘yong kakulangan ng PPEs; pangalawa, ‘yong hindi pag-test sa ating mga nurses kahit na mayroon na silang nararamdamang sintomas ng sakit; at pangatlo, kahit na mayroon na silang nararamdamang sintomas ay hindi raw sila dinadala o tinatanggap sa ospital,” sabi ni Mangalile.
Batay sa bilang ng DFA nitong Lunes, 1,395 na ang Pinoy sa abroad na nagpositibo sa COVID-19 mula sa 44 na bansa at teritoryo. Sa naturang bilang, 186 ang nasawi, 829 ang ginagamot at 380 ang gumaling.
Based on the updated figures today, the DFA confirms 52 new COVID-19 cases, 49 new recoveries and 1 new death among Filipino nationals in the Europe and Middle East regions. (1/3) pic.twitter.com/gmPbWmNBiJ
— DFA Philippines (@DFAPHL) April 27, 2020
Ang Europe ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso ng mga Pinoy sa abroad na dinapuan ng virus na umabot sa 441. Sumunod naman ang Americas na may 328, Asia Pacific Region na may 327 at Middle East/Africa na may 299 na kaso.
Pero pinakamarami sa mga pumanaw ay nasa Americas (106), sumunod ang Europe (63), ME/Africa (15) at dalawa sa Asia Pacific Refion.
Pinakamarami naman sa mga gumaling ang nasa Asia Pacific (198), sumunod ang Europe (96), Americas (75) at 11 sa ME/Africa.--FRJ, GMA News
