Kahit na nagpositibo na siya sa COVID-19, kapakanan pa rin ng kaniyang pamilya sa Pilipinas ang inaalala ng Pinay nurse na si Rhea Marciano, na matapang na hinarap ang laban sa nakamamatay na virus.
Ayon kay Rhea, kailanman ay hindi niya kinuwestiyon ang Diyos nang sandaling mahawahan siya ng sakit, na noong una ay inakala lang niya na epekto lamang ng pagod sa kaniyang trabaho bilang frontliner.
Sa halip na tanungin ang Diyos kung bakit hinayaan siyang tamaan ng virus, ang itinatanong umano ni Rhea sa sarili ay ano ang dahilan sa likod nito.
"'Yung laban sa COVID, hindi siya laban ng talino," saad niya. "Hindi siya laban ng galing, hindi siya laban sa pera. Ang totoo doon, behind it, it will test your faith."
At kahit nahaharap siya sa matinding laban sa virus, naging positibo ang kaniyang pananaw na kaya niyang mapagtagumpayan ang COVID-19.
Ang mas iniisip pa rin niya ang kapakanan ng kaniyang pamilya sa Pilipinas. Kaya hinintay muna niyang bumuti ang kaniyang kalagayan bago siya nagsabi sa kaniyang mga magulang na nahawahan siya ng virus dahil may iniinda ring sakit ang kaniyang ina.
Sa likod ng pangungulila dahil malayo ang kaniyang pamilya, ang mga kaibigang Pinoy sa Amerika ang tumayong ikalawang pamilya ni Rhea.
At hindi biro ang hirap na pinagdaanan niya.
Tunghayan ang pakikipaglaban ni Rhea sa COVID-19 hanggang sa tuluyan na siyang gumaling. Panoorin ang video na ito ng "Brigada." --FRJ, GMA News
