Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa publiko na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa pamahalaan ng Japan kaugnay sa paghahanap sa 36 na tripulanteng Filipino na nawawala matapos lumubog ang sinasakyan nila barko dalawang linggo na ang nakararaan.

"The Japanese government and ambassador and I are on this and Japan did not cease its search that Saturday but had in fact continued it against protocol," sabi ni Locsin sa kaniyang Twitter post nitong Biyernes.

"On the other hand, I refuse to ask other Asian powers to join in the search because that is an attack on the sovereignty of Japan," dagdag niya.

Ginawa ni Locsin ang pahayag matapos hilingin ni Senador Risa Hontiveros sa isang sulat sa kaniya na kausapin umano ang Japan na ipagpatuloy ang search operations at payagan ang iba pang bansa na sumama sa paghahanap sa mga nawawalang Pinoy sa karagatan.

Nitong Huwebes, nanawagan din ang mga pamilya ng mga nawawalang Filipino na ipagpatuloy na ang paghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay.

Noong Setyembre 5, itinigil ng Japan ang search operation dahil sa masamang panahon.

Nitong September 9, inihayag na Japan Coast Guard na nagdesisyon sila na, "to shift its exclusive search for the missing people of the ship to a regular patrol search."

Setyembre 2 nang lumubog ang barkong Gulf Livestock 1 sa East China Sea na galing sa Napier Port sa New Zealand.

Papunta sana ang barko sa China na may kargang halos 6,000 na baka, at 43 crew.
Tatlong Pinoy ang nasagip pero kinalaunan at nasawi ang isa sa kanila.

Bukod sa 36 na Filipino, patuloy din hinahanap ang mga kasama nila na dalawang New Zealander at dalawang Australian.— FRJ, GMA News