Pinauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kinatawan ng Pilipinas sa Brazil dahil sa alegasyon ng pagmamalupit sa kaniyang kasambahay na Pinay doon.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DFA na inatasan ang embahador na si Marichu Mauro na, "to return home immediately following release of video footage showing her berating and mistreating her household staff."
"The household staff left Brasilia on October 21 and is back in the Philippines. The DFA is reaching out to her to ensure her wellbeing and cooperation in the investigation," ayon sa DFA.
"The DFA assures the public that a thorough investigation will be conducted," patuloy nito sa pahayag.
Sa ulat ng Brazilian media na GloboNews na naglabas ng video, sinabing ang biktima ay 51-anyos na Pinay at nakatira sa official residence ni Mauro, na isang career diplomat.
Makikita umano sa video ang pagsabunot at pagpikot ni Mauro sa kasambahay, at pagbato ng bagay.
Nakatalaga umano si Mauro sa Brazil bilang embahador ng Pilipinas mula pa noong 2018.
Wala pang pahayag si Mauro tungkol sa insidente.— FRJ, GMA News

