Sa kabila ng COVID-19 pandemic, ilang overseas Filipino workers pa rin ang kailangang iwanan ang kani-kanilang pamilya sa bisperas ng Pasko para magtrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing magtatrabaho bilang caregiver sa Taiwan si Angela Francia Bautista.

“Sabi ko, kung puwede lang sana iurong ang date para makasama ko kayo,’ pero hindi puwede eh. Kaya sakripisyo talaga yung puhunan ko lalo na ngayon kasi Pasko pa talaga. Sobrang sakit,” ayon kay Bautista.

Inihatid si Bautista ng kaniyang life partner na si Nic Edades at dalawang kaibigan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

“Tiyaga lang kaming dalawa. LDR ulit,” ayon kay Nic.

Hindi nila napigilan na magkaiyakan sa paghahatid matapos na ayusin ang personal protective equipment (PPE) ni Bautista.

“Kailangan po talaga kasi kung hindi ako kikilos, paano na lang bukas, sa susunod na araw … yung nangyayari kasi, hindi ko rin masabi sa sarili ko na may posibilidad pang bumalik sa dati yung nangyayari sa atin ngayon,” ani Bautista. – FRJ, GMA News