Ikinatuwa ng pamilya ng pinaslang na Filipina domestic worker na si Jeanelyn Villavende ang naging hatol ng korte na parusang kamatayan sa amo nitong babae sa Kuwait.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation" nitong Huwebes, sinabing bahagyang nadismaya lang ang pamilya ni Villavende dahil hindi kasamang hinatulan ng kamatayan ang amo niyang lalaki.

Apat na taong pagkakakulong ang iginawad na parusa sa among lalaki ni Villavende dahil sa pagtatakip umano sa ginawang krimen ng asawa at hindi isinumbong ang nangyaring krimen.

“Isa itong good news para sa aming pamilya dahil isang taon po na hinintay namin para mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Jeanelyn,” sabi ni Richard Padernal, tiyuhin ni Villavende sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras."

“Ang hatol po sana sa amin, side namin, dapat silang dalawa po,” giit ni Padernal.

Pinatay si Villavende ng amo niyang babae sa Kuwait noong December 28, 2019 dahil umano sa selos.

Lumabas sa autopsy report ng Kuwaiti Ministry of Health na nagtamo ng matinding bugbog ang biktima.

Sa autopsy report naman na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa Pilipinas, may indikasyon umano na pinagsamantalahan ang biktima.

Naniniwala naman si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na patas ang naging hatol ng korte ng Kuwaiti Government batay sa kanilang batas.

“The Court’s decision was fair and in accordance with law and Sharia as the accused assaulted her Filipino employee for days and imprisoned her in a room until her death,” saad ni Locsin sa tweet.

Masaya rin ang Philippine Embassy sa Kuwait sa naging hatol ng korte.

“May the court’s decision on the Villavende murder case serve as a reminder to everyone that no Filipino is a slave to anyone, anywhere, and everywhere, and that justice will always come to the defense of the weak and oppressed,” dagdag niya.

Inaasahan naman na iaapela ng mga akusado ang hatol.--FRJ, GMA News