Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pag-aralan na Western brand ng COVID-19 vaccines ang iturok sa seafarers at OFWs dahil ito ang hinahanap ng mga bansa na kanilang pupuntahan.
Sa Talk to the Nation na ipinalabas hatinggabi nitong Lunes, sinabi ni Duterte na ang naturang hakbang ay hindi paglabag sa "equal protection of laws," sa halip "it is what their nature of work requires."
"I will make it simple, bigay ko kay Sec Galvez kung paano sila (OFWs at seafarers). They want it group in their province, they can always maybe tawag ang sila mag-text sila and confirm ng mga doctor doon. Sec Galvez will give the go signal na bigyan sila ng US-made," paliwanag ng pangulo.
Una rito, inihayag ni presidential spokesman Harry Roque na nais iparating ng mga seafarer at mga magtatrabaho sa ibang bansa na Western brand ng bakuna ang maibigay sa kanila na nasa lalawigan.
Kabilang umano sa kondisyon para makabiyahe ang mga Pinoy seaman ay mabakunahan na sila bago pa man lumuwas sa Metro Manila para sa kanilang deployment.
Western brand din ng bakuna ang hinahanap sa mga seafarer tulad ng AstraZeneca, Pfizer, Moderna at Johnson&Johnson dahil na rin sa ito ang itinuturok sa mga bansa na kanilang pupuntahan, tulad sa Europe.
Sa ngayon, mas maraming doses ng China-made na Sinovac ang ginagamit sa pagbabakuna sa bansa.
Pero nilinaw ni Duterte na walang katibayan na mas mahusay ang bakuna ng American sa mga bakuna ng China.
"Kung sabihin mo na iyong hindi mabakunahan ng Moderna o Pfizer at nabakunahan ng Sinovac at Sinopharm, there is no distinction or clear evidence na Pfizer at Moderna ay superior to Sinovac at Sinopharm puro bakuna 'yan. Generic," ayon sa pangulo.
Sa nagdaang pulong ng Gabinete, nabanggit din ni Senator Bong Go kay Duterte ang usapin na mabigyan ng prayoridad sa pagbabakuna ang mga OFWs at seafarers.-- FRJ, GMA News
