Inanunsyo ng lokal na pamahalaan na suspendido ang klase sa Maynila sa lahat ng antas, parehong public at private, sa Biyernes, January 9, dahil sa taunang kapistahan ng Jesus Nazareno. Alamin din ang mga isasarang kalsada.
“In line with Executive Order No. 1, Series of 2026, Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso suspends classes at all levels, whether public or private, online or face-to-face, as well as work in local government offices in the City of Manila on Friday, January 9, 2026, in celebration of the Feast of the Black Nazarene,” saad sa abiso ng Manila Public Information Office ngayong Lunes.
Mananatili namang bukas at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga frontline service na may kaugnayan sa kapayapaan at kaayusan, kaligtasan ng publiko, pagpapatupad ng batas-trapiko, disaster risk reduction and management, at serbisyong pangkalusugan, dagdag pa ng lokal na pamahalaan.
Sinabi rin ng pamahalaang lungsod na ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pambansang pamahalaan at mga pribadong kumpanya na nasa Maynila ay nasa kapasyahan na ng kani-kanilang pamunuan.
Samantala, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagsasara ng ilang kalsada sa mga sumusunod na ruta simula ng 8:00 am sa Martes, Enero 6:
- Katigbak Parkway sa South Road –one lane lang ang maiiwang bukas sa mga motorista na patungong Manila Hotel at H2O Hotel, at lalagyan ng plastic barriers
- Bahagi ng Independence Road
Inihayag din Mayor Isko Moreno na mayroong liquor ban sa January 9 sa loob ng 500-meter radius ng Quiapo Church sa dadaanan ng Traslacion.
“Ulitin ko po, sa paligid po ng simbahan, bawal po ang uminom sa kalsada, magbenta ng alak, at lahat ng dadaanan, within the path of Traslacion,” paalala ni Moreno.— Vince Angelo Ferreras/GMA Integrated News
