Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang 2026 national budget matapos ang isang linggong pagsusuri sa lahat ng alokasyon at probisyon nito. Kasabay nito, bineto (veto) ni Marcos ang halos P92.5 bilyong halaga ng mga line item sa ilalim ng unprogrammed appropriations sa 2026 GAA.

Isinagawa ang paglagda sa P6.793-trilyong budget ngayong taon sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malacañang, na dinaluhan ng mga pangunahing opisyal ng pamahalaan, senador, at mga kongresista.

“With the signing of Republic Act No. 12314 or the General Appropriations Act (GAA) for fiscal year 2026, we are committing to implement a budget that serves the people. Totaling P6.793 trillion, the national budget is aligned with our medium- and long-term development plans and vision, reflecting our investment in the Filipino,” ayon kay Marcos.

“The passage of the national budget is only the beginning. Because today, we commence with the most difficult tasks—to ensure the proper execution and instituting true accountability,” he dagdag niya.

Ayon sa Pangulo, ang 2026 budget ay magpapatuloy sa momentum ng reporma sa edukasyon, proteksiyon sa kalusugan, seguridad sa pagkain, social security, at paglikha ng mga trabaho.

Alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon, nakatanggap ng pinakamalaking alokasyon ang sektor ng edukasyon na umabot sa mahigit P1.34 trilyon. Gagamitin ito para pondohan ang paglikha ng mga teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, promosyon o reclassification ng mga guro, at pagtatayo ng mga silid-aralan sa buong bansa.

Binanggit din ni Marcos ang paglalaan ng pinakamalaking alokasyon para sa sektor ng kalusugan sa kasaysayan ng bansa, na umabot sa P448.125 bilyon.

Kabilang dito ang P1 bilyong pondo para sa zero balance billing program sa mga ospital ng lokal na pamahalaan, na sasaklaw sa mga in-patient service sa basic accommodation. Mayroon din itong pondo para sa disease surveillance, rapid response mechanisms, at sustainable health financing.

Samantala, nakatanggap ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng halos P130 bilyon, kabilang ang P60 bilyong pondo na ibinalik alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema.

“These funds shall support preventive healthcare and the improvement of PhilHealth benefit packages, lowering the out-of-pocket expenses of Filipino families,” sabi ni Marcos.

Nilaanan naman ang sektor ng agrikultura ng mahigit P297 bilyon para sa modernisasyon ng mga supply system at suporta sa mga magsasaka at mangingisda. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga farm-to-market road na mag-uugnay sa mga komunidad ng sakahan sa mga sentrong pang-ekonomiya, magpapababa ng gastos sa transportasyon, at magbabawas ng post-harvest losses.

Binigyan naman ang social services sector ng mahigit P270 bilyon, na gagamitin upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, mapangalagaan ang kapakanan ng lahat ng sektor, at mapalakas ang pag-unlad ng human capital.

Veto

Samantala, sinabi ni Marcos na ibineto (veto) niya o tinanggal ang halos P92.5 bilyong halaga ng mga line item sa ilalim ng unprogrammed appropriations sa 2026 GAA.

Ayon kay Marcos, tinapyasan ang mga unprogrammed fund sa ilalim ng 2026 GAA sa “pinakamababang antas,” o sa pinakamaliit na lebel mula noong 2019, upang matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagastos nang malinaw para sa pambansang interes.

“Let me be clear—the unprogrammed appropriations are not blank checks. We will not allow the unprogrammed appropriations to be misused or treated as a backdoor for discretionary spending,” ayon sa pangulo.

“Its utilization is provided with safeguards and is only available when clearly defined triggers and tests are met and will be released only after careful validation,” dagdag pa niya.

Ang unprogrammed appropriations ay mga item sa budget na mapopondohan lamang kapag may sobrang kita ang pamahalaan at iba pang pinanggagalingan ng pondo, gaya ng mga loan o espesyal na batas.

Ngunit sa isang online interview, sinabi si Deputy House Minority Leader Edgar Erice na kukuwestyunin niya ang 2026 pambansang budget sa Korte Suprema kaugnay ng isyu ng unprogrammed funds.

"Pinag-aaralan pa lang namin pero just the same, ang aking position, all unprogrammed funds in any form are unconstitutional. So I will have to challenge it before the Supreme Court," ani Erice. --- Anna Felicia Bajo/Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News