Sa panahon na hinahanap pa ang missing bride-to-be na si Sherra de Juan, lumapit din sa kilalang psychic na si Jay Costura ang kaniyang nobyo na si Mark Arjay Reyes. Sa pamamagitan ng baraha, nalaman ang nangyari kay Sherra at posibleng kinaroronan niya.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni Jay na si Mark ang nakipag-ugnayan sa kaniya at nagdesisyon siya na puntahan ito sa kanilang bahay sa Quezon City.

Nawala si Sherra noong December 10 matapos magpaalam na bibili lang ng sapatos na gagamitin sa kanilang kasal ni Mark, na nakatakda sa December 14. Gayunman, hindi na nakauwi si Sherra at idineklarang missing.

Sa vlog, ipinakita ang ginawang pagbasa ni Jay sa baraha. Sa simula, sinabihan ng psychic si Mark na huwag sanang lumabas ang baraha na nagpapakita ng kamatayan.

Kaya ikinatuwa nila nang lumabas ang baraha na nagpapakita na buhay si Sherra.

"Buhay siya, nagdadalawang-isip talaga siya. May pagbiyahe po akong nakita as in literally bumiyahe talaga siya,” ayon kay Jay. “Ngayon nahihirapan siya bumalik it's because nag-trending siya.”

Ayon pa kay Jay, “Malinaw na pinakita sa akin na kusa ang pag-alis (ni Sherra). Wala pong tinatawag na abduction or dinukot siya."

Pagdating sa posibleng kinaroronan ni Sherra, sinabi ni Jay na, "I see a place…it's something to do with Pangasinan and Baguio."

Tila nagkatotoo naman ito nang matagpuan si Sherra sa Sison, Pangasinan noong December 29, 2025, at humingi ng tulong sa motorcycle rider na si Rodel Dela Rosa.

BASAHIN: Rider, ikinuwento kung paano siya nilapitan at hiningan ng tulong ng missing-bride-to-be na si Sherra de Juan

Sa ngayon, nakauwi na sa piling ng kaniyang pamilya si Sherra at patuloy na nagpapahinga. Kasama niya si Mark nang salubungin nila ang bagong taon.

Ayon kay Mark, tuloy pa rin ang kasal nil ani Sherra.

"Tuloy po ang kasal. Meron na po kami actually na date, end of March po," pahayag ni Mark. "Natutuwa nga ako kasi siya 'yung talagang eager sumagot 'Tuloy, tuloy.' Pero sinabihan ko siya, ' 'Wag mo i-pressure ang sarili mo sa sinasabi ng iba.' Kumbaga ang priority nga namin is maka-recover siya.”

“Lagi ko naman sinasabi sa kaniya na 'yun naka-support ako sa lahat ng bagay. Whatever the future have for us, nandoon lang ako. Hindi ko siya iiwan kahit anong sabihin ng tao. Mahal ko siya," ayon pa kay Mark.—FRJ GMA Integrated News