Nangibabaw ang kabataan laban sa karanasan matapos itala ng tambalan nina Alex Eala at Iva Jovic ang 7-6 (7), 6-1 na panalo kontra kina Venus Williams at Elina Svitolina sa round of 16 ng ASB Classic women’s doubles nitong Lunes sa New Zealand.
Pinatalsik nina Eala (20-anyos) at 18-anyos na si Jovic ng USA, ang beteranong pares ng 45-anyos na si Williams at 31-anyos na si Svitolina, na kasalukuyang nasa ika-13 puwesto sa world rankings.
Nalampasan ng tambalan nina Eala at Jovic ang mahigpit na laban sa unang set bago nila tuluyang dominahin ang ikalawang set at pabagsakin sina Williams at Svitolina sa doubles competition.
Hihintayin ngayon nina Eala at Jovic ang kanilang susunod na makakalaban, na maaaring ang top-seeded na tambalan nina Asia Muhammad at Erin Routliffe o ang pares nina Jesika Maleckov at Renata Zarazua.
Maglalaro rin si Eala sa singles event sa Martes, alas-2 ng hapon (oras sa Maynila), laban kay Donna Vekic ng Croatia.-- Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News

