Kahit nakauwi ng Pilipinas, hindi na nabigyan ng pagkakataon ang isang overseas Filipino worker na may cancer na makapiling ang kaniyang pamilya matapos siyang pumanaw sa quarantine facility.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras”  nitong Miyerkules, sinabing lumapag sa Cebu ang eroplanong sinakyan ni Rachelle Sagonoy nitong Agosto 10 mula sa Saudi Arabia.

Nagnegatibo siya sa COVID-19 test at dinala siya sa hotel bilang quarantine facility. Ito ay sa kabila umano ng pakiusap ng pamilya na sa ospital na lang siya i-quarantine dahil sa kaniyang sakit na cervical cancer.

“Habang inaasikaso pa lamang po siya na siya ay mapunta sa quarantine facility, hirap na siyang huminga. Siya po ay hindi na kayang kumilos mag-isa,” kuwento ni Ma. Cecilia de Guia, pinsan ni Sagonoy.

“Hindi po siya napagbigyan na siya ay mailagay man lang sa ospital,” dagdag nito.

Tanging sa chat at video calls na lang nakausap ni Sagonoy ang kaniyang pamilya habang naka-quarantine.

“Gusto ko na talagang ma-confine, sabi niyang ganon. Wala namang problemang i-quarantine siya kahit ilang araw pa ‘yan basta nasa ospital. Doon siya i-quarantine. Bakit sa hotel pa siya kailangan i-quarantine,” Guia said.

Natanggap ng pamilya ang malungkot na balita sa pagpanaw ng OFW noong Agosto 20, ang huling araw ng kaniyang quarantine.

“Nag-iyakan na kami. Siya raw po ay binawian na ng buhay doon mismo sa hotel sa Cebu City,” ani Guia.

Nitong Miyerkules ng hapon, ipina-cremate ang mga labi ni Sagonoy.

Naiwan niya ang kaniyang dalawang anak na babae na isang grade 8 at grade 7 student.

“Sobra, sobrang devastated ang mga bata. Sobra, kasi huli nilang nakasama ang nanay nila, 2019,” ayon kay Guia.

Plano ng pamilya na magsampa ng reklamo laban sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Bureau of Quarantine.

“Ayaw na naming may isa pang OFW na ganito ang mangyari. Nais naming magsampa ng kaukulang reklamo sa pamunuan,” sabi ni Guia.

Binisita ni OWWA Administrator Hans Cacdac ang burol ni Sagonoy para makiramay at humingi ng paumanhin.

“We have a nurse looking over her. Meron nga siyang roommate kinausap na returning OFW din but for one reason or another, ‘yun nga, lumubha ‘yung kaniyang sitwasyon at umabot sa unfortunate situation na nasawi si Rachelle,” paliwanag niya.

“It’s very unfortunate, indeed. Hindi namin ginusto na masawi din si Rachelle, so I offered my apologies and condolences to the family,” dagdag ng opisyal.

Hindi rin umano napagbigyan ang hiling ng pamilya na mailipat sa ospital si Sagonoy dahil punuan ang mga ospital sa Cebu.

“Hindi siya nalagay sa ospital. We were advised that puno ang mga medical facilities within Cebu City at the time and it was not advisable at the time to take her there dahil nga itong situation sa Cebu ng COVID surge,” ayon kay Cacdac.

Magsasagawa naman umano ng imbestigasyon ang Department of Health sa nangyari sa OFW.

Tiniyak naman ng OWWA na makatatanggap ng tulong mula sa ahensiya ang pamilya ni Sagonoy.--FRJ, GMA News