Muling hiniling sa Pilipinas ng pamahalaan ng Brunei na huwag silang isama sa deployment cap ng mga Pinoy healthcare worker, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Attaché Melissa Mendizabal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO), na kailangan ng Brunei ng 200 nurse at 30 doktor para madagdagan ang kanilang healthcare workers sa harap na rin ng nararanasang pandemic.
Taong 2020 ay hiniling na raw ng Brunei ng exemption sa deployment cap ng Pinoy healthcare workers pero hindi ito napagbigyan. Nitong nakaraang July 2021, muli raw nagpadala ng sulat ang naturang bansa.
Ayon kay Mendizabal, hindi nalalayo ang sahod ng hospital staff sa sinasahod ng mga nurse sa Singapore.
“Nurses receive high take-home pay because of the free accommodation and transportation. If they render overtime work, they earn as much as 2,000 Brunei Dollars per month,” sabi ni Mendizabal.
Nitong Hunyo, itinaas ng pamahalaan ng Pilipinas sa 6,500 mula sa dating 5,000 ang deployment cap para sa Pinoy health workers na papayagang magtrabaho sa abroad.
Sinabi ni Mendizabal na naghahanap din ang Brunei ng mga Filipino workers para sa oil and gas at household service sectors.
“Prior to our current situation, we have processed job orders for domestic workers. On top of that are the nurses then those in the oil and gas industry. Most of the job orders that we have processed are in those sectors,” ayon kay Mendizabal.
Ang mga kawani umano sa oil and gas sector, kabilang ang mga engineer at architect, ay nakatatanggap ng sahod na mula 5,000 hanggang 10,000 Brunei Dollars.
Sa ngayon, nasa 20,000 overseas Filipino workers ang nasa Brunei.
Gayunman, sinabi ng opisyal na hindi maaaring makakuha ng permanent residency ang mga OFW na nasa Brunei.
Ang mga OFW sa Brunei ay binibigyan ng "work pass" at visa na dalawang taon ang bisa," ayon kay Mendizabal.—FRJ, GMA News

