Magpapalabas ng bagong panuntunan ang lalawigan ng Cebu kaugnay sa pagbabawas sa araw ng quarantine period sa mga Pilipino na manggagaling sa ibang bansa na fully vaccinated na laban sa COVID-19.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, inihayag umano ni Cebu governor Gwen Garcia na mula pitong araw ay  gagawin na lamang limang araw ang quarantine period sa mga fully vaccinated na Pinoy na galing sa ibang bansa.

Pero sasailalim pa rin sila sa RT-PCR test pagsapit ng ikalimang araw ng kaniyang quarantine period. Kapag negatibo ang resulta, papayagan na silang umuwi.

Maglalabas daw ng bagong panuntunan ang pamahalaang panlalawigan kaugnay sa naturang plano.--FRJ, GMA News