Itinigil na muna ulit ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagpapadala ng mga Pinoy healthcare workers sa ibang bansa matapos na maabot na ang deployment cap na 6,500.
Kabilang ang mga nurse sa mga healthcare worker na tigil na muna ang pagpapadala sa ibang bansa.
Ayon sa POEA, maaari pa namang makaalis ang mga healthcare workers na mayroon nang overseas employment certificate.
“Healthcare workers who were already issued with their corresponding OECs however are allowed to depart for their overseas employment. The suspension shall take effect until a new Resolution has been issued by the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID),” ayon sa pahayag ng POEA.
Noong Hunyo, itinigil din ang deployment ng healthcare workers dahil sa cap na 5,000. Pero itinuloy ang pagpapadala nang itaas ang limit sa 6,500.
Nagpatupad ng limitasyon sa pagpapadala ng healthcare workers sa ibang bansa para matiyak na matutugunan ang pangangailangan ng Pilipinas sa mga healthcare worker dahil sa COVID-19 pandemic.
Para sa susunod na taon, sinabi ng POEA na hihintayin ni ng poea ang pasya ng IATF-EID, kung mananatili pa rin sa 6,500 ang deployment cap o itataas pa.--FRJ, GMA News
