Habang tumatagal ang pananatili sa mga quarantine facility dahil sa atrasadong paglabas ng RT-PCR test results, nababawasan naman ang araw ng mga overseas Filipino worker (OFW) na dapat sana ay kasama nila ang pamilya sa kani-kanilang bahay.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing ganito ang sitwasyon ni Analyn Marzan, isang OFW na mula sa Lebanon na umuwi sa Pilipinas para magbakasyon .

Nagpa-COVID-19 test umano siya noong Enero 5 sa quarantine facility. Sinabi umano sa kaniya na malalaman ang resulta nito sa loob ng 12 hanggang 24 oras.

Pero tatlong araw na ang lumipas ay wala pa rin ang resulta ng RT-PCR test.

Kung lumabas na kasi ang resulta ng test at negatibo siya, maaari na sana siyang umuwi sa bahay upang doon na lang ipagpatuloy ang quarantine dahil fully vaccinated na siya.

Nag-aalala tuloy si Marzan na baka magkaroon din ng aberya sa RT-PCR test kapag kailangan na niyang bumalik sa Lebanon.

Ilang linggo lang pinayagan si Marzan ng kaniyang amo na makapagbakasyon sa bansa kaya nanghihinayang siya sa bawat araw na itinatagal niya sa quarantine facility.

Ang sitwasyon ni Marzan ay nararanasan din umano ng ibang OFWs na nasa quarantine facility.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, marami raw kasing nagpapa-RT-PCR test sa mga government laboratory. Kaya pinag-aaralan na kung puwedeng tumulong ang mga pribadong laboratoryo para mapabilis ang proseso.

"Parang may domino effect ito, yung dami ng mga nagpapa-test ngayon, hindi lamang sa mga umaalis kundi pati sa nanunumbalik [bumabalik]. Rest assured yung specimen naman ay hindi na-damage o nasira. It's still there, its just being processed so just to seek the patience of out OFWs," pakiusap ni OWWA administrator Hans Cacdac.

Tnututukan na umano ang mga government laboratory para mabilis ang pagproseso sa mga nakuhanan na ng specimen. Tutulong na rin daw ang ibang laboratoryo sa mga lalawigan tulad sa Cebu.

Idinagdag ni Cacdac, na dumadami rin ngayon ang mga OFW na nagpopositibo sa COVID-19 kaya kailangan na magtagal sila sa quarantine at isalang sa genome sequencing para malamang ang variant ng virus na tumama sa kanila.--FRJ, GMA News