Sinabi ng Department of National Defense (DND) na handa silang tumulong sa mga ahensiyang namamahala sa paglilikas ng mga Filipino na nasa Ukraine at maiipit sa ginagawang pagsalakay ng Russia.

Nitong Biyernes, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, masusi rin nilang sinusubaybayan ang sitwasyon sa Ukraine.

“We are monitoring the situation closely and are standing by to assist our other government agencies led by the DFA (Department of Foreign Affairs) in repatriating our citizens from Ukraine, if and when we are called upon to do so,” ayon kay Lorenzana.

“We hope that the situation does not escalate beyond what can still be resolved through diplomacy and the international rules-based order,” dagdag niya.

Ayon sa DFA, mayroon na silang naitalang 181 Pinoy sa Ukraine, at may 37 pa na papunta na sa Lviv na ililikas din.

Una rito, bumiyahe si DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Ukrainian border para personal na pamahalaan ang paglilikas at matiyak na ligtas ang Pinoy sa Ukraine.

Tinatayang 380 Pinoy ang nasa Ukraine at mayroon nang iilan na nakauwi sa bansa. Habang ang iba naman ay lumikas kasama ang kani-kanilang mga amo.— FRJ, GMA News