Ilang Filipino sa Ukraine ang piniling manatili sa Ukraine para maging volunteer worker at matulungan ang mga mamamayan doon na biktima ng giyera.
Isa na rito si Krysten Boado, na nagtuturo sa mga batang naiwan sa Ukraine sa gitna ng digmaan, ayon sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Inabutan ng COVID-19 pandemic sa Ukraine si Boado at kasunod nito ang pagsalakay doon ng Russia.
Ayon kay Boado, naging mabait sa kaniya ang mga Ukrainian at ayaw niyang iwan ang mga ito sa panahon na kailangan nila ng tulong.
Bukod sa pagtuturo sa mga bata, tumutulong din si Boado bilang volunteer worker sa pag-repack ng mga pagkain na ipinapamahagi sa mga tao.
Pero maging ang mga Pinoy sa Russia ay nakararanas din ng sakripisyo dahil apektado naman ng economic sanctions ang perang ipinapadala nila sa kanilang pamilya sa Pilipinas.
Halos kalahati na raw ang nabawas sa halaga ng pera na ipinapadala nila sa Pilipinas dahil sa paghina ng pera ng Russia.
Ayon kay Rimalou Jaramillo, 15 taon nang nagtatrabaho sa Russia, may mga amo na ginagawan ng paraan ang sahod doon ng kanilang mga tauhan.
Kabilang dito ang pagpapasahod sa halagang dolyar at may iba naman na pinag-usapan ang halaga ng kanilang sahod.
Giit ni Jaramillo, mabuting mga employer ang mga Russian. Sa kaniyang pinapasukan, miyembro ng pamilya ang turing daw sa kaniya.
Dahil sa kaguluhan sa Ukraine, nagpatupad ang pamahalaan ng Pilipinas ng total deployment ban doon.
Samantala, tuloy naman ang pagpapadala ng OFW sa Russia na para sa mga professional at skilled workers dahil maayos naman daw ang labor compliance status ng naturang bansa.
Gayunman, hindi kasama sa mga ipadadala sa Russia ang mga household service workers dahil wala itong bilateral trade agreement sa Pilipinas. --FRJ, GMA News
