Ang hindi niya nagawa noon habang nasa Pilipinas dahil sa kakapusan ng pambili, nagagawa na ngayon ng isang Pinoy sa Hawaii--ang mag-videoke kahit sa kaniyang banyo.
Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing tubong-San Nicolas, Ilocos Norte, ang 55-anyos na si Rolando Madamba, na nasa Hawaii na ngayon.
Gumagawa o nag-a-assemble ng karaoke machine sa Hawaii si Madamba at marami ang tumatangkilik nito.
Kuwento niya, hindi niya nagawa ang hilig sa karaoke noong nasa Pilipinas pa siya dahil wala siyang pambili ng gamit.
Nagsimula lang siyang makagawa ng mga karaoke machine nang nasa ibang bansa na siya.
Kaya naman ang kaniyang banyo, naisipan na rin niyang gawing karaoke room.
Dahil sa pagiging busy, nagagawa na raw niya ang hilig sa pagkanta sa karaoke at makapag-relax kahit nasa banyo. --FRJ, GMA News
